Exodus 34:10-16

Inulit ang Kasunduan

(Exo. 23:14-19; Deu. 7:1-5; 16:1-17)

10Sinabi ng Panginoon, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo. 11Sundin mo ang iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Itataboy ko ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo mula sa lupaing ipinangako ko sa inyo. 12Huwag kang gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing pupuntahan ninyo, dahil magiging bitag ito para sa inyo. 13Sa halip, gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, at putulin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. 14Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios dahil ako, ang Panginoon, ay ayaw na may sinasamba kayong iba. 15Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga taong nakatira sa lupain na pupuntahan ninyo. Dahil baka matukso kayong kumain ng mga handog nila, at anyayahan nila kayo sa paghahandog at pagsamba nila sa kanilang mga dios. 16Baka mapangasawa ng mga anak nʼyo ang mga anak nila, na silang magtutulak sa kanila sa pagsamba sa ibang mga dios.

Copyright information for TglASD